Laro ng Lahi
By Jon Irvin Bantog
Kung tatanungin mo ang mga matatanda ngayon tungkol sa mga laro ng lahi, tiyak na napakarami nilang maisasagot. Ngunit sa kabilang banda kung tatanungin mo naman ang mga kabataan kung may natatandaan o alam silang mga halimbawa, bibilang ka pa ng minuto bago sila makasagot. At kalimitan, ang dahilan ay hindi nila matandaan o wala lang talaga silang alam.
Lumaki at nagkaroon ng puting buhok ang ating mga lolo’t lola at tanging laro ng lahi ang nakagisnan. Kahit na magpakwento ka tungkol sa masasayang minuto na napahihiyaw sila dahil sa katuwaan sa paglalaro, hindi ka magsasawang pakinggan ito dahil ang kanilang mga karanasan ay sadyang nakaaaliw. May nasisiraan ng tsinelas, may umiiyak dahil tinamaan sila ng lata sa paa at mayroon namang ibang nagkakandarapa na s’yang pinagmulan ng sugat na bakas ng kaligayahan sa pakikipaghabulan. Ang maiinit na ulo ay napapalitan ng mga ngiti sa labi, mga hagik-gikan at malalakas na tawanan na kung minsan ay nangyayari sa ilalim ng maliwang na buwan. Nakatutuwang isipin na dahil sa mga laro ng ating kultura na sumasalamin sa ating makulay na kasaysayan na nagbigay sa ating mga lolo’t lola ng mga makabuluhang kwento na sa ngayon ay kanilang ibinabahagi sa atin.
Sa kabilang dako, at dahil masyado ng tumataas ang antas ng kaalaman sa agham at teknohiya ng mga kabataan sa kasalukuyang milenyo, nakalimutan na nila ang mga laro ng lahi na pinayabong at pinagyaman ng mga nakatatanda. Nakalulungkot mang isipin na ang karamihan ay wala talagang nababatid ukol sa mga laro ng kultura na tuluyan nang natabunan ng mga libangang naihahatid ng makabagong mundo tulad ng computer, cellphone at iba pang pinaunlad na kagamitang pumapatok sa mapaglarong isipan ng kabataan, ito ay isang malaking katotohanan. Lingid man sa kanilang kaalaman na kahit nakapagbibigay-aliw ang mga makabagong gamit na ito, wala pa rin ito sa kalingkingan ng mga nakagisanang laro
ng lahi ang mga ngayo’y nagmimistulang na lamang na “NAKARAAN”.
Sa bawat pindot sa keypad ng cellphone, sa bawat pitik ng mga daliri sa computer, ay tayo na rin mismo ang pumapatay sa mga laro ng lahi. Hindi nito matutumbasan o mahihigitan pa ng ating mga nakagisnang kultura; ang mga katutubong laro na nakapagpatatag ng pisikal nating pangangatawan at nagpayabong ng kaalaman. Kung ang laro ng ating lahi ang siya nating pagtutuunan, higit tayong makatutulong sa muling pagbibigay-buhay sa kultura ng ating kinamulatang lipi. Laro ng lahi ang nagsilbing buhay ng mga kabataan sa mga nakaraang panahon at ang tanging paraan natin upang bumawi sa kulturang dulot na laro ng lahing ito, ay ipagpatuloy, pagyamanin at linangin ang nasimulan ng mga lumipas na oras tungo sa isang mayaman at maipapagmalaking kultura. Kaya naman taasnoo nating sambitin ang katagang, “Kultura ko ito, Pinoy ako, Pinoy tayo.”
[Back To Top]